Friday, June 4, 2010

PAGTULAY SA ALAMBRE (ISANG LIHAM SA MGA FILIPINA NA NANINIRAHAN SA ESTADOS UNIDOS) - JOI BARRIOS

Mahal na kabaro,
Mahal na kapatid,
Ang balita tungkol sa babaeng ginahis,
nagsakdal, at nagpalit ng testimonya
ay balitang batid kong lumatay sa bawat dibdib,
pinipilit ang bawat isa
na bumagtas sa ngayon at sa nakalipas,
sa ngayon at sa hinaharap.

Pagkat paano nalilimot ang gahasa?
Ang paghablot ng dangal?
Ang dahas ng pag-angkin?

Tayong lahat ay mga babaeng naglalakad sa alambreng nakasabit,
waring tumatawid sa hangin.
Araw-araw ay naninimbang,
isang paa sa harap ng isa pang paa,
hawak nang nakadipa ang kahoy na mahaba,
tinitiyak ng pagtitig sa patutunguhan
na hindi sasablay sa bawat paglapat,
na ang tindig, ay mananatiling matatag.

Nabubuhay tayo sa bayang mapanakop
habang ang diwa ay nananahan
sa Inang Bayan sa silangan.
At tulad niyang hinalay, lumaban, at nag-alinlangan,
Araw-araw nating hinaharap, tinitimbang,
ang bawat tanong at kontradiksiyon.
Ay, kayraming tanong, kayraming kontradiksiyon.
Hawakan sa ating mga kamay ang alaala
nina Victoria Laktaw na minsan nang tumula tungkol sa gahasa,
ni Karangalan, ang babaeng tinalikuran si Macamcam,
sa dulang ipinalabas sa tanghalan sangsiglo na ang nakalipas,
ni Tandang Sora, na sa edad na nobenta
ay hindi sumumpa ng katapatan sa dayuhan.
Kung sabay-sabay tayong hindi iwawalay
ang pagtitig sa dako pa roong patuloy na pakikipaghamok,
ang bawat hakbang, saan mang sulok ng daigdig,
ay ambag nating hakbang,
sa tunay na kalayaan ng bayang Iniibig.

Hindi totoong walang pangamba ang mga tumutulay sa alambre.
Nananalig lang sila na bukong-bukong man ay pumihit,
ang talampakan ay hindi manginginig sa pag-apak sa lubid.

No comments:

Post a Comment